Emanuel

Written in 2014 and won a literary award for short story in Western Visayas. It was translated from Hiligaynon to Filipino. 

Kailan man ay hindi katangian ni Noel ang magtago at umiyak sa harap ng mga tutubi at mga tipaklong. Bumalik siya sa madamong likod  ng silid aralang nila noong Grade 3 pa siya. Sira na ang mga silya. Ang mga mga makukulay na mga paro-paro naman ay walang tigil sa pagdapo sa mga bulaklak ng gumamela.  Katulad ng isang bata, gusto ni Noel na bumalik sa mga panahon na ang tanging nagpapasaya sa kanya ay yung paghahabol sa mga ito. Gusto niyang manghuli ng mga insekto. Ngunit sa bawat paghakbang niya, ang mga ito ay lumilipad. Mailap.

Taong 1992 nang lumipat ang pamilya ni Noel sa barangay Jardin, sa bayan ng Dumangas. Tinawag na Barangay Jardin dahil napupuno ng mga bulaklak ang lugar na ito. Halos lahat ng bahay ay may tanim na gumamela at birds of paradise. Lumipat ang kanyang pamilya mula sa Barotac Nuevo dahil na disteno ang ama niyang si Lieutenant Depasupil sa Dumangas.

Kasama nag kanyang butihing ina na walang trabaho, ay nagsimula sila ng panibagong buhay sa Jardin. Pagtatanim ng palay ang naging trabaho ni Nang Milan, yung nanay ni Noel. Ayaw ni Nang Milan na manatili sa bahay. Batid niya na ang babae ay dapat payagang magtrabaho sa labas ng bahay. Ang pagsasaka ay hindi lamang sa mga lalaki.

“Kung gusto mo Milan na hindi tayo mag-away, dito ka lang sa bahay.” Sabi ng tatay ni Noel. “Hayaan mo ako na padre de pamilya ang maghanap ng trabaho!”

Si Noel naman ay nakikinig lamang habang naglalaro ng kanyang manika. Habang hinahabi ni Noel yung buhok ng kanyang laruan ay naririnig niya ang hikbi at malalalim na halinghing ng kanyang ina. Sa murang edad, alam ni Noel na katulad ng maya sa bukid, gusto ng kanyang ina na makawala sa hawla na gawa ng kanyang ama.

Isang gabi kahit na malakas ang ulan ay ginising ng isang malakas at sunod-sunod na putok ng baril ang buong Barangay Jardin. Alam ng mga tao na nagmula ito sa bahay ni Noel. Pero walang may lumabas ng kanilang bahay dahil sa takot. Parang may hinihintay pa ang mga tao.

Sinundan ito ng malakas na iyak at sigaw ni Noel. Iyon ang hudyat. Hindi na nakaya ng mga kapitbahay kaya nagsilabasan ang mga ito. Nadatnan nilang naliligo sa sarili nilang mga dugo ang mag-asawa. Nasa kamay ni Noel ang kanyang manika na puno na rin ng dugo. Tumakbo si Noel kay Nang Columba, isang byuda na kanila ding kapitbahay. Hindi naintindihan ni Noel ang nangyari. Ngunit, isa lang ang natitira na alaala sa kanya— na binaril ng malahayop niyang ama ang kanyang natutulog na ina. Pagkatapos naman ay nagpakamatay ito. Umiyak ang mga bulaklak sa Barangay Jardin. Yung mga tutubi naman at paro-paro ay nagsitago.

Walang natirang kamag-anak si Noel. Naging mahirap ang maghahanap ng pwedeng kumupkup sa bata. Lahat ng pwedeng gawin ay nagawa na ng kanilang mga kapitbahay. Ginamit ang radio, ang chismis, at pati ang simbahan. Wala talagang may nakita. Dahil sa wala namang kasama sa buhay si Columba ay nagdesisyon ito na ampunin si Noel. Siya ang naging pangalawang ina ng ulilang bata. Si Columba ang pinakasikat na mananahi sa Dumangas. Mga damit sa kasal, binyag, pati na sa libing ay siya ang gumagawa. Anak na lang ang kulang sa buhay niya at si Noel ang binigay ng Dios sa  kanya. Hindi nagkulang sa pagmamahal si Noel sa piling ni Columba. Walang birthday ang bata na walang pahanda—– spaghetti, maja blanca, puto, kotchinta at hotdog na may marshmallows.

Nang nasa wastong gulang na si Noel ay pinasok ito ni Columba sa paaralan. Grade 1 pa lang ay nagpakita ang bata ng kakaibang talino. Habang tinuturo ng kanyang guro sa Science ang part of the human body, ay alam na ni Noel ang mga body systems. May malawak na vocabulary ang bata. Mahilig siya magbasa ng mga libro. Kaya pinatawag ng guro ni Noel si Columba para imungkahi na e-accelerate ang bata mula grade 1 papuntang Grade 3.

“Ma’am baka hindi niya makaya?.”, nag-aalinlangan na tanong ni Columba.

“Kayang kaya niya po.”, sagot ng guro.

Natuloy ang pag-accelerate kay Noel papuntang Grade 3. Mula kay Mrs. Gregorio ay naging class adviser niya si Mrs. Volcan. Pangalan pa lang ay nakakatakot na. Dahil maliit si Noel ay nilagay niya ito sa harap. Si Noel ang pinakamaliit sa kanilang klase. Mangiyak-ngiyak si Columba na iniwan si Noel sa kwarto ni Mrs. Volcan. Marami pa naman siyang narinig na ang guro ay napaka istrikta at nananakit ng bata.

“Ma’am ikaw na ang bahala sa kanya.”, bilin ni Columba na may takot sa dibdib.

“Oo, nay. Ako ang bahala kay Noel.”, sagot ng guro.

Tama si Mrs. Gregorio, ang lebel ng talino at kakayahan ni Noel ay pang Grade 3. Mabilis ito magkabisado. Parehong magaling sa math at science. Hindi din ito nagpapatalo sa English. Nang nag-eleksyon para sa homeroom officers, ay siya ang napili bilang Vice-President.

Isang araw ng binigyan sila ni Mrs. Volcan ng activity. Sinabihan sila na pumili ng isang kaklase para maging kapares nila. Naging kapares niya si Emanuel Santo Berde, ang nag-iisang anak ng may-ari ng pinakamalawak na lupain sa Dumangas. Ang pamilya din ni Emanuel ang may-ari ng Santo Intiero na ginagamit ng simbahan tuwing prosesyon. Maputi, makinis, at matangkad si Emanuel. Hindi ka magkakamali na may lahing kastila, at mayaman.

“Class, bago mag-recess ay dapat makahuli kayo ng isang insekto. Go!”

“Noel, ano ang huhulihin natin?”, tanong ni Emanuel.

“Tipaklong na lang Emanuel.”, sagot ni Noel.

“Mahirap ata yan hulihin.”

“Hindi, kaya yan. Pagtulungan lang natin.”

Tumakbo ang dalawa papunta sa likod ng kanilang silid-aralan. Ito ay damuhan at maraming mga insekto na naglipana. Dahan-dahan ang lakad ni Noel kung saan may tipaklong. Ngunit sa kanyang pag-galaw ay nagsitalon ang mga ito. Sa kabilang dako naman ay mas magaling si Emanuel, nakita niyang may nakadapu na tutubi sa bulaklak ng gumamela. Gamit ang kanyang mahahabang mga daliri ay nahuli niya ito. Tumakbo ang dalawa dala-dala ang tutubi at ipinakita kay Mrs. Volcan. Sila ang nakakuha ng pinakamataas na puntos. Doon at may naramdaman na kakaibang damdamin si Noel na sumibol sa kanyang puso.

Sa tutubi at tipaklong nagsimula ang pagkakaibigan ng dalawa. Kinalaunan ay grumadweyt si Noel bilang Valedictorian at si Emanuel naman bilang Salutatorian. Naghalong lungkot at tuwa ang naramdaman ng dalawa. Si Columba naman ay umiiyak habang kinakabit kay Noel ang mga medalya. Sa kanyang Valedictory speech, ay pinasalamatan ni Noel ang kanyang mga guro at kaklase at lalo na si nanay niya Columba. Habang nakikinig sa upuan ay tumutulo ang luha  ng kanyang kaibigan na si Emanuel.

Hindi natapos ang matamis na pagkakaibigan ng dalawa. Dahil natuwa ang nanay ni Emanuel sa impluwensya ni Noel sa anak ay minabuti niyang e-enroll si Emanuel sa public high school kung saan mag-aaral si Noel. Kinalaunan, hindi na tutubi ang kanilang hinuhuli, kundi hinahabol na sila ng mga dalagang nagkakagusto sa kanilang dalawa.  Pareho silang naging Editor ng kanilang school paper. Habang nakahiga sa mga lumang publication ay nag-usap sila.

“Bakit ayaw mong magkaroon ng girlfriend Noel?”

Walang may nakuhang sagot si Emanuel dahil ang kausap ay gumagawa ng kanyang assignment sa geometry.

“Bakla ka noh?”, tanong ni Emanuel.

Nabitawan ni Noel ang protractor. “Ikaw, bakit wala kang girlfriend?”, tanong ni Noel.

“Bakla ka din! Bakla!”, tukso ni Noel.

Nagharutan ang dalawa sa loob ng kanilang opisina. Napunit ang mga graphic paper at naputol ang mga ruler. Ngunit habang nagtatawanan ang dalawa ay batid nila na may katapusan ang lahat. Pilit na tinatago ni Noel ang lungkot sa kanyang mga mata.

 

Naging Valedictorian ulit si Noel, at Salutatorian si Emanuel. Hindi katulad ng dati na mabilis ang hakbang ni Columba, sa panahong ito, ay mabagal na. May katandaan na din.

“Noel, pasensya na pero hindi na kita anak kayang pag-aralin sa kolehiyo. Patawarin mo ako.”, mangiyak-ngiyak na sabi ni Columba.

Ang panahian nilang mag-ina ay nalugi na din dahil hindi na nakikita ni Columba ang mga hibla ng sinulid. Malapit na siyang mabulag dahil sa katarata.

“Nay, okay lang. Maghahanap ako ng scholarship, at mag-aaral habang nagtratrabaho.”

Ngunit, alam ni Noel na mahihirapan siya dahil walang magbabantay sa kanyang may sakit na ina. At sa kolehiyo, kung wala kang pera talagang mahihirapan ka.

“Noel, pwede ko naman e-loan ang pension ko.”

“Nay, hindi. Mas importante ang kalusugan mo.”

Isang linggo pagkatapos ng graduation ay dumalaw sa bahay nina Noel si Emanuel. Hindi ni Emanuel nakita sa bahay si Noel. Pinuntahan niya ito sa likod ng kanilang bahay at nandoon ang kanyang kaibigan. Pinapanood niya ang mga tutubi na nagsisiliparan.

“Hulihin ba natin?”, tanong ni Emanuel.

“Oyy! Nandito ka. Akala ko magbabakasyon kayo sa Manila?”

Hindi sumagot si Emanuel, niyakap niya ang kaibigan.

“Oo.” Hindi halos marinig ni Noel ang sagot ni Emanuel.

“Kelan kayo lilipad?”

“Mamaya.” Tumulo ang luha ni Noel.

“Ahhh. Mabuti naman.”

Ramdam ni Noel na umiiyak si Emanuel.

‘Kelan ang balik?”

“Hindi ko alam.”

“Ano ang iniiyak mo? Bakla ka!” sabi ni Noel. “Magkikita pa naman tayo diba?”

Walang sagot.

“Hindi ko kayang pumunta ng Manila kasi walang pera. Hindi pa nga sigurado kung makakatapak ako ng college.”

Bago umalis si Emanuel ay may ibinigay ito na envelope sa kaibigan. Nang binuksan ito ni Noel ay nakita niyang isang Scholarship Certificate para sa College. Doon at nabigyan niya ng tawag ang kanyang nararamdaman sa kaibigan – pagmamahal.

Makalipas ang apat na taon ay natapos ni Noel ang kursong Nursing mula sa isang bantog na Unibersidad sa Iloilo. Pagkatapos nito ay naipasa niya ang Nursing Licensure Examination. Sa taon ding yun ay kinuha sa sakit na stroke ang kanyang nanay Columba. Pagkatapos ng libing ay pumunta siya sa Maynila para doon magtrabaho. Hindi na sila nag-usap ni Emanuel simula ng umalis ito sa Dumangas. Ayon sa mga tsismis ay binenta na ng mga Santo Berde ang kanilang mga lupain sa barrio at nagmigrate sa Estados Unidos. Hula niya, kinalimutan na siya ng kaibigan.

Nang nasa Intensive Care Unit na ng isang sikat na ospital si Noel para sa kanyang duty ay may nararamdaman itong kakaiba. Nagsimulang mag-endorse ang kanilang charge nurse para sa gabing yun. Punuan ang kanilang unit. Biglang parang binagsakan siya ng langit nang narinig niya ang sumunod na pangalan. “Emanuel Santo Berde”. “Ikaw, Noel ang naka assign. Ito ay comatose, gunshot wound sa kanyang ulo.”

“May relatives po ba?”, tanong ni Noel.

“Oo, tatay niya, galing US.” “Self-inflicted ang injury nito.”, dagdag ng nars.

Nanghina ang tuhod ni Noel. Bakit magpapakamatay ang kanyang kaibigan? Hindi na siya nag-aksaya ng panahon. Pinuntahan niya ito sa loob ng kanyang kwarto. Nakita niya na napakaraming tubo at nakakabit na mga gamot sa katawan ni Emanuel. Maririnig ang ingay na galing sa ventilator na siyang tumutulong para makahinga ito. Sa monitor makikita ang ibat-ibang numero. Alam ni Noel na hindi maganda ang ibig sabihin ng mga nakalagay sa screen ng monitor.

Ganuon pa din ang mukha ni Emanuel. May balbas na ito sa mukha at sa kanyang dibdib. Maputi pa din, mala-adonis ang katawan—parang artista. Alam ni Noel na ito ay hindi ang tamang oras para tingnan ng may pagnanasa ang kaibigan. Kinuha niya ang kanyang mga kagamitan at nilinis niya ang katawan ni Emanuel.

“Emanuel, patawarin mo ako. Ako ay nagalit ng hindi ka na nagparamdam. Hindi ako nagbigay ng oras para ikaw ay maka-usap lang. Alam ko na may tampo ka sa akin. Pero gumising ka sana dahil miss na miss na kita.”

Walang nakuhang sagot si Noel.

“Ikaw ang nagturo sa akin ng pagmamahal. Nang nawala ang lahat sa akin ay nandiyan ka para tulungan ako. Wala ako ngayon sa posisyon na ito kung wala ka.” Tumulo ang mga luha ni Noel.

“Hindi naman siguro mali na minahal kita sobra pa sa isang kaibigan. Alam ko nagulat ka siguro kaya lumayo ka. Pero huwag mo akong iwan.”

Hinalikan ni Noel sa bibig si Emanuel. Tumulo ang kanyang mga luha sa pisngi ng kaibigan. Noon nalaman ni Noel na talagang hindi totoo ang kapangyarihan ng halik ng prince charming kay Sleeping Beauty. Marahil hindi talaga siya ang true love ni Emanuel.

“Emanuel, I love you. Gumising ka, please nandito na ako.”

Nakita ni Noel na tumulo ang butil ng luha mula sa mata ni Emanuel. Kasabay nito ang pagtunog ng heart monitor. Bumilis ang tibok ng puso ni Emanuel hanggang unti-unting humina at tumigil sa pagtibok. Biglang nagsidatingan ang mga nars at doktor sa loob ng kwarto.

“Doc, code blue!”, sigaw ni Noel.

“Noel, may order na ang tatay nito na hindi na e resuscitate.”

“Doc! Lalaban pa yan!”

“May advance directive na ito galing sa pamilya.”

Gusto niyang ipagsigawan na siya ay pamilya din. Siya ang nauna. Siya ang kasama ni Emanuel mula elementary at high school. Hindi sila magkadugo, pero mahal niya ito. Hindi ba sapat ang pagmamahal niya para matawag na myembro ng pamilya?

Namatay si Emanuel ng gabing yun. Namatay ang nag-iisang iniibig ni Noel.

Nang umuwi ito mula sa ospital, habang sa daan sa Bonifacio Global City, nakita niya na nagliliparan ang mga tutubi sa isang bakanteng garden. Hindi niya napigilan ang kanyang sarili. Umiyak ito at humingi ng kapatawaran sa kanyang mga pagkukulang. Naghalo sa kanyang utak ang pagsisisi na sinabi niya na mahal niya si Emanuel kaya siguro lumayo ito. Ngunit, kalahati din ng kanyang pagkatao ang nagsasabi na hindi pagkakamali na umibig ng kapwa lalaki. Dahil sabi ni Nanay Columba niya na ang pag-ibig ay isang magandang handog mula sa Panginoon na dapat ipabatid sa iba. Bagamat hindi man nasuklian ni Emanuel ang pag-ibig niya, ay sapat na ito. Dahil ang totoong pag-ibig ay hindi nagbibilang nga kapalit.

Hindi niya na kaya na habulin ang mga tutubi dahil nagsiliparan na ito. Hindi niya na kayang habulin si Emanuel na ngayon ay nasa langit na. Kung may hihingin man siya ay yung gabayan siya ng kaibigan habang tinatahak na mag-isa ang buhay. Na sana, tuwing makakalimutan niya na siya ay nag-iisa, tuwing manghihina siya at gustong sumuko na, ay ipadala ni Emanuel ang mga tutubi mula sa langit.

#End

About the author: 

Pinaglihi sa labong at Biblia, muntik ng mamatay ngunit binuhay ng mga anghel sa Dumangas. Sabi ng mga midwife at mga nurse sa delivery room, nang lumabas si Michael ay magalaw ang mga kamay nito– isang senyales na ito ay lalaking mahilig magsulat.