Mutya releases page 1 of his first nobela

I

TUWING UMIIKOT ANG MGA GULONG ng mga sasakyan sa Boni Avenue ay gumugulong din sa loob ng aking utak ang mga guni-guni ng kahapon. Habang humihigop ng malamig na gulaman galing sa Siomai House ay nakikita ko ang mga nag-uumpugang mga katawan ng mga tao na nasa pila ng jeep. Hindi naman sila magkakilala pero parang sobra pa sa mga mag-asawa kung dumikit ang mga kati-kating mga katawan.

Tatlo ang pila: Kalentong, Boni, Acacia. Lahat ng tao ay pagod, marahil pagod na sila sa trapik na kanilang dinadanas sa araw-araw na ginawa ng Dios. May mga tao naman sa pila na subsub ang mukha sa kanilang dalang mga touchscreen na cellphone. Kahit mahirap na ang buhay sa Pilipinas ay ang mga tao naka touchscreen na may dala pang unlimited wi-fi for one week.

Ngunit mas nakakapagod magpanggap na masaya. Mas nakakapagod na ngumiti na parang wala lang nangyari. Nakakapagod na ialay ang sarili na alam mo naman na walang kasiguradohan. Nakakapagod magsugal ng nararamdaman sa Maynila. Ibang-iba ang pakiramdam nang ako ay nasa Cebu pa. Doon, nasasabi ko ang katotohanan na walang kinatatakutan. Gusto kong sabihin kay Jeremy sa office na may dala ako  sa aking dibdib na mas mabigat pa sa photocopier na gamit ng aming Admin Assistant; pero byernes, uwian sa Bulacan.

“Excuse me! Excuse me!” pagalit na sigaw ng babae sa pila.

Mukhang nagmamadali pauwi ang babaeng puno ng pawis ang kilikili. Kagaya ng iba, nagmamadali siguro siyang umuwi dahil magluluto pa ng ulam para sa pamilya, o kaya naman, kagaya ko gustong matulog para mapawi ang naghalong pagod at kalungkutan. Mabagal pa din ang daloy ng pila. Kung malakas ang busina ng sasakyan pero mas malakas ang sigaw ng baklang konduktor na panay ang ngiti sa mga lalaki sa pila. Kung babae ang singil niya ay siyam na piso, kung lalaki naman at mukhang pogi, ay limang piso na lang, pero kung alam niyang bakla ang pasahero, ay anim na piso. Ayon sa kanya, basta “sisters” ay may discount.

Sa loob ng jeep, kung malaki ang pwet mo ay pagtitinginan ka ng iyong mga katabi. Kulang nalang sasabihan ka ng mga mapanghusgang mga mata na bumaba at maglakad. Sa akin naman, hindi naman kasalanan na kumain ng marami diba? Kung maliit naman ang katawan mo sa jeep ikaw ay madudurog, kulang na lang makikikandong ka sa driver. Ganyan ang buhay, galit tayo sa mga extremes. Galit tayo sa mga hindi umaayon sa nakagawian na. Galit tayo sa ating kapwa tao kung sila ay naiiba, kahit na hindi tayo sinasaktan.

Tumunog ang aking cellphone, may nagtext. Si Angelo.

“Ayoko na, it is over.”

#End #Mutya